Saturday, June 22, 2013; 5:39 PM-
Wednesday, September 11, 2013; 12:33 PM
Genre: Mystery
Runtime: 15- 25 minutes
Number of Actors: 5
“Ang Santigwar ay isang pamamaraan ng panggagamot sa Kabikolan. Ito ang bersyon ng mga Bikolano sa "pagtatawas" sa Maynila. Ang pamamaraan ng panggagamot na ipinapakita sa dulang ito ay yaong karaniwang ginagamit ng karamihan sa mga “Para- santigwar” sa Camarines Sur, partikular na sa Lungsod ng Iriga. Ang ibang pangyayari sa dulang ito ay labas sa tunay na pamamaraan ng santigwar lalong higit ang mga maseselang dasal na ginagamit. Gayundin ang ilang medikal na pamamaraan ay maaring totoo at tama ngunit mangyari lamang na huwag gagayahin o susundin ang dula dahil ang akdang ito ay likha pa rin sa artistikong pananaw.”
Mga Tauhan:
Papang Gurang/ Gurandyo: Lalaki, mga nasa 45 taong gulang. Manggagamot. Hindi naniniwala sa doktor. Mabait na ama.
Mama Tuya/ Tuyang: Asawa ni Papang Gurang, 40 taong gulang. Masayahin. Makakalimutin.
Corazon/ Curing: Babae, 20 - 25 taong gulang. Anak nina Papang Gurang at ni Mama Tuya. Mayroong malubhang karamdaman sa mata. Kaunting liwanag lamang ang naaaninag ng kanyang magkabilang mata ngunit nakikita niya di umano ang mga engkanto at ang lagusan tungo sa kanilang mundo.
Ricardo: Lalaki, 20- 25 taong gulang. Kababata ni Curing at kaibigan ni Kent. Mayaman at siyang tanging nakapag- aral sa Maynila.
Kent Smith: Lalaki, 20- 25 taong gulang. Kaibigan ni Ricardo. Filipino- American. Bakas sa gawi at pananamit ang mataas na pinag- aralan.
Prologue:
Papang Gurang: Gusto kong maniwala, pero wala akong tiwala sa kanila. Kaya kong gamutin ang anak ko. Mali bang hangarin ang gumaling siya? Masama bang gustuhin ng isang ama na siya na lang ang magbigay ng lunas sa pesteng sakit na dumapo sa kanyang anak. Pinatay na nila ang panganay ko, eh. Ayokong pati ang bunso ko patayin din nila.
Tagpuan:
Late 80's. Nakahimlay ang isang punso sa isang Camalig, (sisidlan ng mga panggatong at iba pang mga gamit o kaya naman ay mga hayop. Maikukumpara ito sa isang bahay kubong walang dingding). Ang Camalig na ito ay ang nagsisilbing pagamutan ng isang para- santigwar na kilala sa tawag na Papang Gurang.
Mama Tuya: Hindi mo pwedeng kunin ang mga bulaklak na iyan. Para sa kanila yan, hindi sa'yo. Ilang beses ko bang sasabihin 'yan sa'yong bata ka.
Corazon: Alin, ito pong mga itim na bulaklak? Nanang ilang beses ko na rin po bang sinabi sainyong hindi sila natutuwa sa paglagay mo ng mga bulaklak na ito.
Mama Tuya: Ha? Hindi itim ang mga 'yan. Ang isang 'yang hawak mo ay pulang kalatsutsi, at ang iba namang nasa sahig pa ay mga Rosal; puti ang kulay ng mga Rosal anak... Pa'no mo naman nalamang ayaw nila sa mababangong bulaklak na 'yan.
Corazon: Nakasusulasok po ang amoy ng mga 'yan. At ang kulay, kulay itim.
Mama Tuya: Hindi nga itim ang kulay ng mga 'yan.
Corazon: Hindi mo kasi sila maintindihan, Nanang. Ako lang ang nakaiintindi sa kanila.
Mama Tuya: Ayan na naman tayo sa kawirduhan mo. (Papasok sa entablado si Papang Gurang) Paulit- ulit mo na lang na sinasabi 'yan sa tuwing naglalagay ako ng mga bulaklak diyan.
Papang Gurang: Tuyang, kunin mo ang mga gamit ko sa bahay. May magpapagamot. Ikuha mo na rin ako ng dahon ng saging, iyong bata pa ang kunin mo ng hindi makunat.
Mama Tuya: Osige. Sino ba ang magpapagamot?
Papang Gurang: Anak ni Juancho.
Mama Tuya: E di ba mayaman 'yun? Bakit di siya sa bayan magpagamot?
Papang Gurang: Hindi kayang gamutin ng doktor ang namatanda. Ano bang alam ng mga yan sa panggagamot? Bukod sa napaka- mahal na ng bayad sa serbisyo, pati ang gamot mahal din. Di tulad ng gamot na ibinibigay ko, mura na mabisa pa.
Mama Tuya: Sus, eh 'yang anak mo nga di mo mapagaling. Tigil- tigilan mo nga yang pagyayabang mo. Naku hindi bagay, ano? Tumatanda na itong anak mo’t lahat eh hindi mo pa rin mapagaling. Aba’y araw- araw mo rin naming kinakalikot ang mga
mata niyan. At kapag nahihilo eh, pinaamoy mo diyan sa usok ng insenso. Anong nangyari, wala.
Papang Gurang: Ano ba Tuyang, naririnig ka ng anak mo.
Corazon: Tanggap ko naman pong hindi na ko gagaling. Tama si Apa, Nanang, hindi ako kayang gamutin ng mga doktor. Atsaka hindi sakit ang mga nasa mata ko, regalo ito upang makita ko kung gaano sila kaganda at kung gaano kaganda ang mundo sa ilalim ng punsong ito. Malapit na, kukunin na nila ako.
Magtitinginan ang mag- asawa. Kapagdaka'y lalapitan ni Papang Gurang ang kanyang anak.
Papang Gurang: Hindi ka nila kukunin anak. Hindi ako papayag na kunin ka nila sa akin. Halika na nga at nang malagyan na ng gamot yang mga mata mo.
Mama Tuya: Ay, ewan ko sainyong dalawa. Kakasabi ko lang, ayan na naman kayo.
Papang Gurang: Hayaan mo ‘yang Nanang mo. Tingnan mo’t pag- sumakit ang ulo’y niyan magpapausok din ng insenso. (matatawa).
Papaupuin si Corazon. Kukuha ng cotton buds na ibinabad sa oil. Ipapahid ito sa kanyang mga mata.
Papang Gurang: O ayan, maayos na ba ang pakiramdam mo? Luminaw ba ng konti?
Corazon: Oo naman po. Mas nakikita ko na ang liwanag mula sa punso.
Papang Gurang: Aba'y syempre, sa Tiwi, Albay pa galing 'yang binditadong mantikang 'yan kaya't siguradong gagaling ka na.
Ricardo:: (v.o. : Papang Gurang! Papang Gurang!)
Mama Tuya: O, ayan na pala yung magpapasantigwar. Hala't patuluyin mo na at kukunin ko yung mga gamit mo. (lalapitan si Corazon) tena sa bahay Coring ng makapagpahinga ka na.
Aalis sila Mama Tuya at Corazon. Siya namang pagpasok ni Ricardo.
Ricardo: (jolly) Papang Gurang.
Papang Gurang: O iho, kamusta?
Ricardo: Mano po.
Papang Gurang: Kamusta na ang pakiramdam mo?
Ricardo: (Mula sa masayang aura ay mag-kukunwaring nasasaktan) Ay, eto nga po, ang sakit pa rin ng likod ko.
(papasok si Kent)
Kent Smith: Hey, so where's Curing?
Ricardo: Shhh, Chill man, Relaks, relaks. Ah, Papang Gurang, si Kent, Kent Smith kano yan, kaibigan ko. Ah, ano, magpapagamot din siya. Kent this is Papang Gurang.
Papang Gurang: (tatango kay Kent at bubulungan si Ricardo ) Eh nananagalog ba yan?
Ricardo: Ewan ko dyan. Nung isang linggo ko lang yan nakilala eh. Teka, (Titingin kay Kent) hey, you speak tagalog?
Kent Smith: Tagalog? Konti lang. (tatawa)
Ricardo: Okay. That's good. O papang Gurang, mukhang mapapalaban ka sa inglisan, konti lang daw alam ne'to.
Papang Gurang: (tatawa)
Papasok si Mama Tuya dala ang mga gagamitin sa panggagamot.
Mama Tuya: hala may porinjer pala dito. (magpapa- cute kay kent tas kakaway- kaway) Uy Ricardo, pakilala mo naman ako.
Papang Gurang: Uy Tuyang, itigil mo nga 'yan, nakakahiya sa mga bisita.
Ricardo: Mano po Mama Tuya. Si Kent Smith po, kaibigan ko. Kent, this is Mama Tuya, short for Victoria.
Kent Smith: Hi, so, are you Curing? I'm looking for Curing.
Ricardo: Ay, h- hindi nga yan si Curing. She's not Curing. She's her mother, Victoria.
Mama Tuya: Ano daw, si Curing? Curing! Nasa loob si Curing. Tatawagin ko lang ah! Curing!
Ricardo: Ah, huwag na po.
Mama Tuya: Sigurado ka? Curing, tena dito anak!
Ricardo: Huwag na po talaga.
Mama Tuya: Curing, Curing! ...Huwag na daw!
Papang Gurang: (nakatingin kay Ricardo) O siya't umupo ka na dito at ikaw na unahin ko.
Ricardo: (uupo sa harap ni Papang Gurang)
Papang Gurang: Tuyang...
Mama Tuya: O bakit?
Papang Gurang: (nang- uuyam) May nakalimutan ka na naman.
Mama Tuya: Ha? Halata ba? (titingnan ang suot na palda. Kapagdaka'y bubulong kay Papang Gurang)
Meron naman akong suot na panti ah, me salawal pa nga.
Papang Gurang:(Pabulong) Hindi. Ikaw talaga, yung dahon ng saging. Nakalimutan mong kumuha. Ayan ah uulitin ko, da- hon ng sa- ging, yung ba- ta pa.
Mama Tuya: Ah, oo nga, sabi ko nga. Sori naman, tumatanda na!
Papang Gurang: (nanguuyam) huh, hindi 'yan sa kesyo tumatanda na! Ganyan ka na simula pa nung kinasal tayo. Eh ako nga, mag- sisingkwenta na hindi tandang- tanda ko pa nung una kitang ma...
Mama Tuya: Ewan ko sa'yo! Ikaw na nga itong nag- uutos, ikaw pa itong galit.
Papang Gurang: (naglalambing) O siya, lakad na at nakakahiya sa mga bisita. (lalapitan si Mama Tuya. Yayakapin at bubulungan sa tenga) mamaya, ako naman ang utusan mo. Lahat ng gusto mo, susundin ko.
Mama Tuya: Sus! Sinasabi mo lang yan ngayon, tapos mamaya makakalimutan ko din kaya sa huli, di rin kita ma-uutusuan… Osige, para di ko na makalimutan, ikaw ang magluluto mamaya.
Papang Gurang: Osige, osige.
Paalis na sana si Mama Tuya ngunit babalik ulit.
Mama Tuya: Ano nga ulit ang kukunin?
Papang Gurang: Dahon ng saging.
Mama Tuya: (ngingiti at aalis sa entablado).
Ricardo: napaka- sweet nyo naman pong mag- asawa.
Papang Gurang: Ha? Ah, hindi naman. Tena't simulan na natin at nang makauwi kayo ng maaga. Medyo dumidilim na. malayo pa man din ang uuwian niyo.
Ricardo: Ayos lang po. Dala ko naman po yung kotse ni Daddy.
Magtitirik ng tatlong puting kandila si Papang Gurang. Magdadasal. Lalagyan ng oil ang dulo ng thumb; sa pamamagitan nito, lalagyan ng krus ang noo, magkabilang balikat, pulso sa kamay, sa magkabilang harap ng siko, pusod, maging sa tuhod at paa. Magdadasal ulit. Kukunin ag plato at papausukan gamit ang mga nakatirik na kandila. Iipunin ang maatim na usok. Kapagdakay titingnan ang naipong agiw.
Papang Gurang: namatanda ka. (ipapakita ang plato) Nakikita mo yung mga bato- bato dito. Nagambala mo yung mga engkantong nakatira dyan. May alam ka bang lugar na kapareho nito?
Ricardo: Huh? Ahh, Sa likod ng bahay namin, yung sand and gravel na negosyo ng Daddy ko, baka dun yata ako nadale.
Papang Gurang: At ito, nakikita mo ba yung mga lalaking 'to (ipapakita ang plato). O, ayan o, Hinampas ka ng isa sa likod.
Ricardo: Hinampas? Kaya pala ang sakit ng likod ko. Matindi nga yata ang galit ng mokong.
Papang Gurang: Galit sila sainyo ngayon, sinisira niyo kasi ang bahay nila.
Ricardo: ha? Eh, pa'no po yun? Negosyo yun eh. Araw-araw may dadaang trak dun. Paniguradong magagambala sila.
Papang Gurang: Pag- uwi mo sa inyo, magtirik ka ng kandila mismo sa may mga bato- bato para makahingi ka ng tawad. Huwag mong kalilimutan, puting kandila, ayaw na ayaw nila ang dilaw lalong higit ang pula.
Ricardo: O sige po. (bublong- bulong: akalain mo't nadale pa ko sa likod ng bahay. Sabi na nga ba't masama ang pakiramdam ko dun. Kaya nga ayaw kong pumunta dun...)
Papang gurang: Tena't lalagyan ko pa ng krus 'yang noo mo. (Lalagyan ng markang krus mula sa agiw sa lusang pinggan ang noo, mga pulsuhan, mga kamay at mga paa).
Papasok si Mama Tuya dala ang mga dahon ng saging.
Ricardo: ok na po ba?
Papang Gurang: Teka, teka. Siguruhin muna natin kung hindi ka "nalupuan".
Mama Tuya:( Iaabot ang dahon ng saging).
Papang Gurang: (Kay mama Tuya) Salamat Tuyang.
Ricardo: Nalupuan?
Papang Gurang: Titingnan natin kung hindi ka nabalian.
Ricardo: Ahh, okay. Nabalian?
Papang Gurang: Syempre malalang kaso yun kapag may lupo o bali ka na sa likod. Kailangan na nun ng matinding hilot. Ganito yun. (Kukuha ng maliit na strip mula sa dahon ng saging. Ilulublob sa oil. Itataas ang t- shirt ni Ricardo) Talikod ka iho. O, ayan , 'eto (ipapakita ang dahon) ipapahid ko 'to sa likod mo. Saang banda nga yung masakit?
Ricardo: Dito po.
Papang Gurang: (habang ginagawa ang pagpahid) Kapag napunit ang dahon, ibig sabihin nabalian ka nga. (Ipapahid pa ng tatlong beses).
Papang Gurang: Ah, hindi naman, napunit. Salamat sa Diyos at hindi naman.
Ricardo: O, okay na ko ha, si Kent naman. (tatayo) Maari ko bang puntahan sa loob si Curing?
Mama Tuya: Ay, oo naman, halika, samahan na kita.
Papang Gurang: Teka, teka, pano 'tong si…
Ricardo: (kay Kent Smith) O kent, it's your time to get derty. Gudlak.
Kent Smith: What? How am I going to talk…
Ricardo: It's ok. Pramis I will introdus you to Corazon later, ha?
Kent Smith: O- okay.
Ricardo: O Papang Gurang, ikaw ng bahala kay Kent ah.
Papang Gurang: Teka, teka, tang inang…
Aalis sina Mama Tuya at Ricardo.
Papang Gurang: Ah, Kent.
Kent Smith: Yessir?
Papang Gurang: (Kinakabahan) Ano bang masakit sa'yo?
Kent Smith: Ma- sa- kit? As in pain?
Papang Gurang: O yes, oo, where is the pen?
Kent Smith: Oh, okay you need a pen. Wait (kakapa- kapa sa mga bulsa) sorry I don't have a pen. Do I have to buy outside?
Papang Gurang: You don't have pen. Ok, eh wala ka naman pa lang sakit. (buntong hininga) Buti na lang.
Papasok sa entablado sina Ricardo at Corazon..
Ricardo: O ano Papang Gurang, anong sakit ni Kent?
Papang Gurang: Wala namang sakit 'to eh. Wala naman daw siyang pen.
Ricardo: Ah mabuti kung ganun.
Kent Smith: (tila na love at first sight) Is that, Corazon?
Ricardo: Oo, she's Corazon. Corazon, kaibigan kong poriner, si Kent, Kent this is Corazon.
Kent Smith: (lalapitan si Corazon) Hi, y- your so beautiful. (hahawakan at hahalikan ang kamay)
Ricardo: (papaluin ang kamay ni Kent) hep hep, kumokota ka na ha. No, it is illegal. Si Papang Gurang o, he is looking at you.
Kent Smith: Sorry, I was just mesmerized by her.
Corazon: R- ricardo, anong sinabi niya?
Ricardo: Ang sabi niya nag pagit mo daw.
Corazon: (magagalit) Ah talaga, sigurado kong pangit din siya. Ang pangit ng ugali.
Papasok si Mama Tuya.
Mama Tuya: Ah, Ricardo, and you Mestir Porinjer. Tena muna't pag- salu- saluhan natin 'tong hapunan.
Ricardo: O sige po. Tara Kent. Come, we will eat.
Kent Smith: Wait, Can I first talk to Corazon?
Ricardo: Mamaya na 'yan. Later okay.
Lalapit sa mesa kung saan inihapag ni Mama Tuya ang pagkain.
Mama Tuya: Sori ah, saging lang ang inani netong Papang Gurang niyo. Para wag kayong mag- alala, masarap 'yang sinapot at baduya.
Ricardo: Ay, okay lang po yun. Masarap nga po, eh. Matagal- tagal na rin mula nung huli akong nakakain ne'to.
Mama Tuya: O etong si Kent. Mukhang ngayon lang nakatikim 'yan ng sinapot ah. Mukhang ayaw nang paawat kahit manit pa. Iabot mo nga itong baso.
Ricardo: Hey bro, here, water. Take it isi, ok. So, How is the taste?
Kent Smith: It's great. What's this called again?
Ricardo: Si- na- pot. Sinapot.
Kent Smith: Sinapot?
Ricardo: Beri gud. That is what I like you. You past lerner. Good. Good. (Kakain ulit. Susubo ng marami hanggang sa mabulunan at di na makahinga).
Mama Tuya:(nag- aaalala) O, Ricardo. Hinay, hinay lang. (Ricardo: Uubo- ubo. Ubong nahihirapang Huminga) Uminom ka ng tubig.
Ricardo: (pilit aabutin ang baso pero hindi magtatagumpay dahil sa hirap na nararamdaman)
Mapapatingin sa kanya si Kent.
Kent Smith: Hey, Ricardo, Are you okay? Hey.(Lalapitan si Ricardo. Tatapik- tapikin sa likod. Nang hindi makuntento ay niyakap mula sa likod at pinull ang tiyan para makahinga si Ricardo).
Ngunit hindi nagtagumpay ang ginawang aksyon ni Kent.Hanggang tuluyang nawalan ng malay si Ricardo.
Papang Gurang: (lalapit) Anong nangyari.
Corazon: Si Ricardo ba yun? Anong nangyayari, tay?
Kent Smith: The Heimlich maneuver isn't working. If that happens, there should be only one choice left. Mosquito!
Mama Tuya: A- ano? Lamok?
Kent Smith: No Mama Tuya, I should have brought my mosquito, it's a kind of forcep. A- a forcep to get that object to give air to the brain. O my God how am I supposed to explain this.
Papang Gurang: Tang ina. Ano bang pinagsasasabi nito. (bubuhusan ng tubig si Ricardo sa mukha) Buhusan mo lang yan, tingnan mo't magigising 'yan.
Kent Smith: Shit! You are not supposed to do that, Papang Gurang. He might get drown. Listen, we only have a minute to do it, or else he will die!
Mama Tuya: Oh Diyos ko po! Hindi naman ako masyadong tanga para hindi maintindihan na maaari siyang mamatay dahil nabulunan siya! (himagulgol)
Papang Gurang: Tuyang, imbes na humahagulgol ka diyan, kumuha ka ulit ng dahon ng saging! Bilis!
Tatayo si mama Tuya para kumuha ng dahon.
Kent Smith: No, it won't work. Help me put him on the table. (with matching movements para magkaintindihan).
Mama Tuya: Gurandyo, tulungan mo daw na ihiga sa la mesa.
Papang Gurang: Osige, sige.
Kent Smith: I need hot water.
Mama Tuya: Hat water? Mainit na tubig? Why?
(Corazon: (Underact) Anong nangyayari, apa? Nanang!)
Kent Smith: I need it. And a straw. And my bag.
Tatakbo sa loob para kunin ang mainit na tubig, straw at bag. Binuksan ni Kent Smith ang kanyang bag at inilabas ang surgical knife. Ibinabad sa mainit na tubig. At ng akmang susugatan na si Ricardo sa bandang leeg …
Papang Gurang: (pigil ang kamay ni Kent) Anong gagawin mo! Papatayin mo ba si Ricardo?
Kent Smith: It's okay. It's okay. We have to do this to save him. Trust me, I'm a medical student and I was here for my thesis about your medical practice. I have no time to explain, I have to make hole in his neck.
Papang Gurang: Ano? Ano daw Tuyang? Hol in neck?
Mama Tuya: Hayaan mo na siya Gurandyo, hayaan na natin siya. Mukhang alam naman niya ang ginagawa niya.
Humiwa ng isang clean cut si Kent sa bandang kaliwa ng leeg ni Ricardo. Kinuha ang straw isinout sa butas at inihipan.
Kent Smith: He's breathing now. Help me do the procedure again. (Parang nilelecture- an ang sarili) I have to hit him as hard as possible. And hold him with both arms, just under the rib cage. (While pulling) One. Two. Three. Just do it five time. Come on, comeon. Four, Five!
Naisuka ni Ricardo ang bumarang saging. Napaupo si kent habang hingal na hingal.
Maya- maya ay kinuha ni Kent ang kanyang bag para kunin ang gauge at cotton para takpan ang sugat.
Mama Tuya: Salamat sa Diyos!
Papang Gurang: Diyos ko! Oh! Corazon. (lalapitan ang anak) Muntik nang matuluyan 'tong si Ricardo.
Corazon: Si Ricardo? Ricardo!
Ricardo: (garalgal pa ang boses) Ayos lang ako.
Corazon: Diyos ko! Buti na lang, tay.
Mama Tuya: buti na lang ka'mo nandito si kent, kung hindi baka natuluyan na ngang talaga.
Papang Gurang: Syempre kung wala 'yang si kent ako ang gagamot diyan. Mas pinaniwalaan mo kasi 'yan kesa sa'kin. E hindi naman 'yan manggagamot.
Mama tuya: Sigurado ka ba?
Ricardo: Oo nga, Kent, how do yu know about that?
Kent Smith: Don't talk. You're pipes are still open. It would be better if you'll stay inside their house.
Ricardo: Sa loob muna daw po ako.
Mama Tuya: naku, mabuti pa nga. O siya, You kent, alalay- alalay Ricardo, oke!
Aalalayan ni Kent si Ricardo papunta sa loob ng bahay kasama si Mama Tuya.
Papang Gurang: (Bisi- bisihan sa pagligpit ng mga gamit) O Corazon, ililigpit ko na 'tong mga gamit sa loob. Pagkatapos mo diyan sumunod ka na sa loob.
Corazon: (tatango) Buti na lang at maayos na si Ricardo. Ipagtitirik ko sa punso ang pagkaligtas sa kanya. A- Apa, ano po yung naamoy ko?
Papang Gurang: Ah, yung natirang insenso. Sinunog ko. Bilisan mo 'yan. Sumuno ka kaagad.
Corazon: opo Apa.
Maya maya ay kakapal ang usok.
Corazon: (nahihirapang huminga) Apa, Apa! Apa!(nakangiti) Ito na ba ang itinakdang panahon? Kukunin niyo na ba ako? Pero teka, pwede ba kong magpaalam sa kanila? Apa!, Nanang! Ricardo!
Mamamatay sindi ang ilaw.Mahihirapan ng tuluyang huminga si Corazon. Gustong kumawala sa usok. Pilit na umaalpas. Mas mananaig ang dilim sa entablado. At sa muling pag- bukas ng ilaw ay makikitang duguan na si Corazon habang tila sinasakal ang sarili. Papasok si Papang Gurang at si Kent Smith..
Papang Gurang: Corazon!
Kent Smith: Oh my God! What happened? (akmang lalapitan si Corazon pero pipigilan siya ni papang Gurang)
Papang Gurang: Huwag kang lalapit! Diyos ko, kinukuha na siya ng mga dwende. Tuyang… Tuyang! Tuyang! (tatakbo papunta sa bahay nila)
Lalapitan ni Kent Smith si Corazon. Pipigilan si Corazon sa ginagawa nitong tila pag- sakal sa sarili. Ngunit hindi sya magtatagumpay. Papasok ulit sa bahay si Kent. Papasok sa entablado si Mama Tuya. Humahagugol. Lalapitan ang anak at yayakapin ito. Kasunod naman niyang papasok sa entablado sina Papang Gurang at si Ricardo.
Papang Gurang: O Diyos ko. Corazon! Anak ko. Kinukuha na ang anak ko ng mga dwende. (pupunta sa dinding kung saan nakasabit ang isang kalendaryo). Kabilugan ba ng buwan ngayon? Ha! Kabilugan ba ng buwan ngayon! Mga peste kayo! Bakit gusto niyong kunin ang anak ko. Di pa ba kayo kuntento sa pagkuha sa kanyang mga paningin? Wala kayong awa. Ako! Ako na lang ang kunin niyo. Ako na lang. Huwag ang anak ko. Siya na lang ang natitira sa mga anak ko. Kinuha nyo na si Domeng, kukunin nyo pa sa'kin ang Curing ko? Ako na lang! Ako na lang!
Papang Gurang: (lalapitan ang punso hawak hawak ang isang retaso ng kahoy) walang hiya kayo! Sinamba namin kayo. Binubungan, inaalayan ng bulaklak. Dinadasalan. Pero bakit? Bakit?! (pinagpapalo ang punso)
Ricardo: (tulala)
Kent: Ricardo!!!
Matatauhan si Ricardo. Papasok si Kent dala- dala ang isang paper bag na pinaglagyan ng sinapot.
Kent: Does she have a nebulizer? Is this her first attack?
Mama Tuya: Ha? A- ano daw?
Ricardo: Kung may nebulizer daw po ba si Corazon. Teka, teka, may hika po ba ang anak niyo?
Mama Tuya: H- hindi ko alam. Ni minsan hindi pa namin pina check- up si Corazon sa totoong Hospital.
Kent Smith: We have to get her into the hospital. This might not be asthma, this could be worse. I am just a medical student that's why I don't have the authority to explain this, but her eye complication might have been a side effect of a much serious disease. Tell her, Ricardo, tell them that we have to get her into the hospital as soon as possible.
Ricardo: Medical student ka? Magdodoktor? Mama Tuya, Mama Tuya, kailangan na daw po natin siyang dalhin sa ospital sa lalong madaling panahon, dahil kung hindi…
Papang Gurang: Hindi, hindi hindi siya dadalhin sa ospital. Ako, ako ang gagamot sa anak ko!
Mama Tuya: Pero Gurandyo…
Papang Gurang: Hindi mo ba alam Tuyang kung gaano mo ko sinasaktan sa mga sinasabi mo ngayon? Ha? Baka nakakalimutan mo kung paanong pinatay ng mga doktor na 'yan si Domen? Umasa tayo nun sa kanila. Kaya nga dinala sa ospoital para gumaling di ba? Pero ano, initsapwera nila tayo! Kase ano, harapin na natin ang katotohanan, pulubi tayo. Isang kahig, isang tuka.
Mama Tuya: (lalapit kay mama Tuya) Dalhin na natin siya sa ospital. Parang awa mo na. Dalhin na natin siya sa ospital.
Papang Gurang: Hindi! , Hindi nga kayang gamutin ni Kent o. sa Amerika na'yan nag- aaral. (lalapitan ang anak at papasanin. Papaupuin upuan).
Bubuksan ni papang Gurang ang mga mata ni Corazon gaya ng dati. Pupunasan ng Cotton buds na inilublob sa oil. Hihilut- hilotin ang bung katawan. Hanggang sa mapagtanto niyang wala ng buhay si Corazon.
Papang Gurang: Corazon!, Anak ko! Patawarin mo ko anak! Corazon!
Lalapit si Mama Tuya. Yayakapin ang mag- ama.
Unti- unting magdidilim ang entablado. Kasabay ng paghagulgol ni Papang Gurang.
-Wakas-
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento