Lunes, Oktubre 14, 2013

Sa Huling Apat na Araw

Tuesday, 15th of October, 2013
10:10 A.M.

Ayan na, malapit na. Ayoko pa sana pero nandiyan na 'yan. Nung una, oo, ayoko talaga, pero sa paglipas ng araw at sa pagpihit ng bawat oras, ayos na din. Kung sabagay, lahat naman dumadaan sa ganito.

Napagtanto ko, dahil dito at samakatwid ngayon, na nakatatawa ang maging isang tao. Kapag bata ka pa, gusto mong tumanda agad para makasabay ka sa usong araw- araw nang napapanood sa t.v., para payagang magpagabi, para legal nang umniom, o kaya'y magyosi (o ma- access ang pornsites, kidding). 

Dumaan tayo sa puntong gusto nating maging malaya. Malaya sa sermon ng mga magulang. Malaya sa paggawa ng mga desisyon gusto mo, yung sinasabi ng puso mo. Malaya sa pag- ibig sa taong mahal mo at akala mong mahal ka. Malaya sa lahat ng bagay.

Pero, pag nandun ka na sa edad na disi- otso, magbabago ang pananaw mo sa mundo, yun ay kung sumabay sa pagtanda ng edad mo ang persepsyon mo sa buhay. Yung gusto mong umuwi ng gabi, hindi mo naman gagawin kung di kailangan. Yung iinom ot yo-yosi, di mo rin naman gagawin lalo pa't kung namatay tatay mo dahil dun. Bakit? Dahil nag- iiba na ang kahuugan ng kalayaan.

Nasa isip mong malaya ka kung alam mo na kung paano mabuhay. Malaya ka nang tunay kung mulat ka na sa kung ano ang tama at mali, kung kaya mo nang pahintulutan o pasubalian ang sarili mo sa paggawa ng tama o mali, kung kaya mo nang panindigan ang lahat ng gagawin mo, at lalong higit kung alam mo na ang maging tao. 

Masaya ang paglalakbay sa pagiging disi- otso. Dito ko natutong imulat ang mga nakapikit kong mata sa kung ano ang nagaganap at magaganap. Nagtapos na ko sa pagpapantasya. Dati ang problema, hinahanapan ko ng problema, kaya lumalaki nang lumalaki. Pero natutunan kong pag may problema, solusyon agad ang hanapin para matapos agad. 

Ambisyoso ka pa rin naman kapag disi- otso ka. Ayaw na ayaw kong humingi ng tulong sa iba. Kasi, ang konsepto ng tulong sa kontemporayong kultura sa ating bansa ay pagsinabing "patulong naman", ibig sabihin, siya na ang gagawa. Pero mapagtatanto mo rin na dapat ang "patulong naman" ay dapat pati ikaw gumagawa.

Kaya sa huling apat na araw na disi- otso pa ko, lahat ng natutunan ko sa buong taong ito, na siyang katawa- tawa't napagtatanto ko, ay gugugulin ko sa mga araw na ito. Natatakot kasi ako na baka makalimutan ko ang lahat ng 'yun, makakalimutin pa naman ako. 

Baka makalimutan ko, apat na araw na lang. Naku, sayang naman, di ko na kayo naantay. Eh ganun talaga, siguro, mas nauna kasi ko kesa sa inyo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento