Lunes, Oktubre 14, 2013

Paglalakbay

Saturday, June 23, 2012
5:05 PM

Nakadungaw ako sa may bintana ng bus habang binabaybay ang daan patungong Maynila. May kaunting kiliti sa aking isipan habang iniisip ko ang nalalapit kong pagpasok sa bagong institusyon at sa maaring maging buhay ko habang nakatira sa aking magiging bagong tirahan. Simbolo ng pag- asa ang mga naglalarong ilaw mula sa mga nagtataasan at naglalakihang mga gusali na aking nakikita sa labas ng bintana. Mabilis ang takbo ng bus at malamig na malamig ang ihip ng hanging dumadampi sa aking pisngi, kaya't sinara ito ng aking ina na nasa aking tabi.

Mahigit labingpitong taon na ang nakalilipas nang ako ay ipinanganak sa isang maliit na kwartong inuupahan ng aking ama't ina sa Barangay San Miguel, Lungsod ng Iriga. Pagkalipas ng ilang taon ay lumipat ang aming pamilya sa mas rural na baranggay, ang Del Rosario na mas kilala sa tawag na ‘Banao’, kung saan kami nakapag- pundar ng simpleng tahanan. Dito ako nagkaisip at lumaki. Kahit may mga di kaaya- ayang karakter ang maliit na baranggay na ito ay nakasanayan at di naglao'y natanggap na ng aking sistema ang mga ito.

"John" ang ibinigay na pangalan sa akin ng aking mga magulang. Hango daw ito sa pangalan ng aking lolo na si "Juan".

Masaya ang naging buhay ng aming pamilya. Natutustusan ang lahat ng gastusin at kaunti lamang ang problema pagdating sa pera dahil sa ang aking ama, si G. Amando Cullada Ibarreta, ay naghahanap- buhay noon sa isang sikat na kumpanya ng pagawaan ng mga pintura; habang ang aking ina, si Gng. Leonor Cerillo- Ibarreta, ay nagtatrabaho naman sa Department of Environment and Natural Resources bilang isang Sekritarya. Bagaman malayo sa aming piling ang aking ama ay nakakasama pa rin namin siya sa mga mahahalagang okasyon tulad ng pasko at bagong taon. Tuwang- tuwa kaming magkakapatid tuwing uuwi ang aming "papa" na may dalang isang lata ng biskwit. Mangiyak- ngiyak pa ako noon habang tinutunaw sa aking bibig ang manamis- namis na biskwit na magkaminsan ay nagtatabi ako ng tatlong piraso sa lagayang karton ng aking damit. Oktubre, taong 2007 ako huling nakatikim ng tamis ng biskwit ng aking ama.

Isang araw, tandang- tanda ko ang araw na iyon,- ang pinaka- nakakapangilabot na araw na siyang nagpabago sa ikot ng buhay namin. Naglalakad ako sa pasilyo ng isa sa lumang- luma nang gusali ng Paaralang Sentral ng Iriga, kung saan ako nakapagtapos ng elementarya, patungo sa silid aralan ng aking "coach" para sa isang nalalapit na patimpalak sa pagsulat. Maya- maya ay bigla ko na lamang napansin ang mga itim na paro- paro na umaaligid- aligid sa akin. Hindi ko ito pinansin at ako'y nagpatuloy sa paglalakad. nang hapong ding iyon lamang nadismaya sa akin ang aking coach, si Gng. Dato, dahil sa di organisadong pagkakasulat ng aking balita. Hindi ko alam kung anong mali sa mga oras na iyon, basta'y ramdam na ramdam ko ang kilabot na naglalaro sa aking isipan. Pag- uwi ko sa aming tahanan ay sinalubong ako ng humahagulgol kong ate, si Lea, na sa mga oras na iyon ay alam na ang masamang balita na inatake sa puso ang aming ama at di na pinalad na maidala ng maaga sa ospital.

Tatlo kaming magtatapos ng taong iyon: ako, sa elementarya; ang aking ate, sa hayskul; at ang aming bunsong si Leiriz, sa kinder. Ang kuya ko naman, si Arman, ay nasa ika- tatlong taon na rin noon sa hayskul. Maraming gastusin ang naiwan, maraming balakin ang hindi na natuloy, tulad ng pag-aaral ng aking ate sa University of the Philippines na bago pa man namatay ang si papa ay alam na niyang nakapasa ito sa Entrance Exam. Kasagsagan rin ng makulit kong kamay sa pagsulat at pagsama sa mga kontest, tulad ng Press Conference, na dumadayo sa iba't- ibang sulok ng Pilipinas. Nang taon ding iyon, narating ko ang Koronadal City, South Cotabato, (at ang kalapit bayan nitong Tacurong kung saan pinatay ng angkang Ampatuan ang maraming Dyornalista makalipas lamang ang dalawang taon) dalawang linggo matapos ang libing ng aking ama.

Pilit kaming ipinagtaguyod ng aming ina matapos mamatay si papa. Bilib ako sa kanya dahil kahit alam kong wala kaming pera, ay napag- aral niya kami sa pang pribadong paaralan, ang University of Saint Anthony. Pinilit kong pumasa sa Scolarship Grant upang kahit papaano'y makatulong. Sa awa ng Diyos ay nabigyan ako ng Doña Felisa Scholarship Grant at Educational Voucher System ng nakaraang Administrasyon.

Ipinagpatuloy ko ang pagsulat sa periodiko ng Unibersidad at sumali sa kontest na dati ko ng sinasalihan. Ngunit, di na ako pinalad na manalo sa unang taon ko sa hayskul. Pinayuhan ako ng aking bagong coach, si Gng. Bulalacao, na tahakin ang ibang kategorya, ang Radio Broadcasting. Sinunod ko ang kanyang payo at sumama sa grupo. Nanalo ang aming grupo sa press conference, at naging kalahok sa mga National Level. At muli, dahil dito ay nakarating ako sa Butuan City, Agusan del Norte, at sa Puerto Princesa City, Palawan nitong nakaraang Abril lamang.

Naging Editor- in- Chief ako ng pahayagang filipino ng aming paaralan na tinatawag na Amudyong. Sa pamamagitan ng pahayagang ito ay naikalat ang artikulong "'Biyaheng Banao' ni Jjblithe" na aking sinulat upang mamulat ang karamihan sa hirap na nararanasan naming mga nakatira sa Banao sa araw- araw na pag-biyahe, dahil sa lubak- lubak na daan, patungo sa Sentro ng Kalakalan ng lungsod. Naging maugong ang artikulong ito na naging isa sa dahilan upang maipaayos ang daan patungo sa aming barangay.

Ang damdaming naidulot sa akin ng artikulong ito ang nagbigay sa akin ng lakas ng loob upang dumayo dito sa Maynila upang mag- aral ng Bachelor in Journalism.

Nagtapos ako ng hayskul bilang Leadership Awardee ng aming University, ng Gerry Roxas Foundation, at recipient ng Congressional Excellence in Leadership Award. Natanggap ko ang mga pagkilalang ito dahil sa paghawak ng mga posisyon sa Student Government Federation, bilang Pangulo; miyembro ng Division Supreme Student Government of Iriga City; Interact Club of Usant, bilang Kalihim; Home Technologist's Club, bilang Pangulo; at Sangguniang Kabataan Chairman ng aming barangay.

Nitong Hunyo ika- 15 lamang nagpasya ang aking ina upang kami ay lumuwas ng Maynila upang dito ako papag- aralin.

Di na ako bago sa pagsakay sa bus mula Bikol hanggang Maynila. Nakaugalian ko na ang matulog sa bus habang binabagtas ang kahabaan ng daan na tatagal ng higit sa kalahating araw.

Tinapik ako sa aking kanang balikat ng aking ina. "Bababa na tayo".

Bitibit ang aking kulay talong na maleta at isang kahon (ang laman ay bigas, para mas madaling dalhin), pati na rin ang pangarap na magtagumpay sa hinaharap, ay taas noo akong bumaba sa tapat ng kulay rosas na gusaling magiging pansamantala kong tirahan sabay bulong sa sariling "Eto na to, Wala nang Urungan".

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento